Ako si Tata, Laking Upi

Nuro, Upi, Maguinadanao

Ang Bulwagang Pamahalaan ng Bayan ng Upi.

Labing-apat na taong gulang lang ako noon ng lisanin namin ang aking bayang sinilangan, ang Upi, bitbit ang pag-asang sa kabilang ibayo ay naroon ang mas luntiang tumana at masaganang buhay. Bagama’t matagal na itong binalak ng aking mga magulang at napag-usapan na rin naming mag-anak, may kirot pa rin sa aking puso ang paglisan sa Bayan ng Upi. Dito ako isinilang, dito ako nagkamalay at dito ako lumaki. Dito ako natutong lumangoy dahil sa may likod-bahay lang ang Ilog ng Matuber. Di mapagkakaila na panibagong pakikisama at pakikisalamuha ang naghihintay sa ibang nayon. Ngunit batid kong may magandang bukas naman na sa ami’y naghihintay.

Ilang taon din ang lumipas bago ako nakabalik sa aking bayang sinilangan. Walang kasing tamis ang muling pagkikita namin ng mga dati kong kalaro at kamag-aral, mga kamag-anak at kaibigan, ang mga palitan ng kumustahan at kwentuhan. Ang mainit na pagtanggap ng mga dating kakilala ay tila bagang nanghihikayat na bumalik at manirahang muli sa bayang ito.  Subalit maaring naitadhana na rin na ang Bayan ng Upi ay nakatakdang maging kabahagi na lamang ng aking pagkatao at muling babalik-balikan na lamang sa mga susunod na araw upang gunitain ang mga masasayang alaala rito. Ganun pa man, taas noo kong sasabihin maging kanino man na dito ako isinilang.

Nuro, Upi, Maguindanao

Dambuhalang mais, sagisang ng kasaganaan at kaunlaran ng Bayan ng Upi.

Upi Ang Aming Bayan

Matatagpuan sa timog kanluran ng Maguindanao, 38 kilometro pa-timog ng Lungsod Cotabato, nagmula sa “ufi,” isang uri ng punong kahoy, ang pangalan ng bayang ito. Ang Upi ay ang natatanging munisipyo sa lalawigan ng Maguindanao na napabilang sa primera klase, ang pinakamataas na antas ng isang bayan ayon sa klasipikasyon ng pangangalakal na may kabuuang kita  na humigit sa P50 milyon sa buong taon. Ito ay nagpapakita ng tunay na pagkakakaisa ng mga mamamayan — katutubong Teduray, Kristyano, Ilonggo, Ilocano, Muslim at iba pa — at ang mabuting pamamahala ng lokal na pamahalaan tungo sa mithiing kapayapaan at kaunlaran.

Nuro, Upi, Maguinadanao

Ang gymnasium.

Sa bayang ito nabuo ang konsepto ng Tri-People Way of Conflict Resolution na noong 2004 ay ginawaran ng parangal ng Galing Pook Awards, isang pagkilala ng Galing Pook Foundation sa pakikipagtulungan ng Ford Foundation para sa mahusay na pagbuo ng mga makabagong kasanayan sa larangan ng Peace and Order. Ang programang ito ay tumutukoy sa paglutas ng mga gusot at alitan sa pagitan ng magkakabilang panig sa pamamagitan ng pag-areglo o pagbabayad danyos na naaayon sa tradisyonal na pamamaraan.

Buhay na buhay ang diwa ng pagkakaisa sa bayan ng Upi. Sa loob ng humigit-kumulang 10 taon, mabilis na naiahon ng mga mamamayan at ng lokal na pamahalaan ang antas ng pamumuhay, imprastraktura, ang pagsulong ng mga pangunahing serbisyo katulad ng edukasyon, kalusugan at mga programang pangkabuhayan lalong-lalo na para sa mga kababaihan ng katutubong Teduray.

Kasalukuyang tinatamasa ng Bayan ng Upi ang kasaganaan na noon ay isang parangap lamang. Kasabay ang saliw ng tugtugin, buong galak nilang kinakanta ang Awit ng Upi: “Upi, ang aming bayan, pinakamamahal, dalangin ko’y kaunlaran at kapayapaan mo.”

Meguyaya Tuwing Disyembre

Meguyaya Festival

Ang katutubong kasuotan ng kababaihang Teduray bitbit ang agung. Litrato ni Amiel Mark Cagayan.

Ang paggunita ng Meguyaya, salitang Teduray na ang ibig sabihin ay pasasalamat, sa tuwing sasapit ang Disyembre ay isang pagdiriwang ng buhay. Ipinapakita sa Meguyaya ang makulay na kultura ng mga Teduray at pasasalamat kay Tulus, ang diyos ng biyaya, para sa masaganang ani, lalong-lalo na ng mais, ang pinakapangunahing produkto ng bayan.

Sinimulan noong 2003, kinabibilangan ito ng patimpalak sa street dancing, pagtatanghal ng iba’t-ibang programang pangkultura, trade fair, ang Ginoong Meguyaya at ang pinakakaabangang Maisan Na! Sama-sama ang mga panauhin at mamamayan sa harapan ng isang mahabang parilyahan upang makapag-ihaw ng malagkit na mais. Mahigit isang ektarya ng maisan ang inilalaan para sa okasyong ito tuwing Meguyaya.

Upi, Ang Baguio Ng Maguindanao

Tinaguriang Summer Capital ng Maguindanao, ang Bayan ng Upi ay may kaayaaya at malamig na klima dahil ito ay nasa Cordillera ng Cotabato na may taas na humigit-kumulang 1,500 talampakan mula sa kapatagan ng dagat. Bulubundukin ang bayang ito at matatagpuan ang kabisera ng Nuro Poblacion sa lambak ng Upi sa pagitan ng mga Bundok ng Biarong, ang maalamat na Tudok Mamot at Bundok ng Blit.

Nuro, Upi, Maguindanao

Ang Bundok ng Biarong.

Bali-baliko ang daan patungong Nuro mula sa Lungsod ng Cotabato at inihahambing sa Marcos Highway paakyat ng Baguio. Maririkit at magaganda ang mga luntiang burol at bundok sa paligid.

Tanaw ang kabuuan ng Nuro sa tuktok ng Bundok Biarong kung saan may parke at mini zoo. May mga ibang tanawin din tulad ng Talon ng Kiga at Romagongrong at ang mga Kuweba ng Tinungkaan at Kibleg.

Nuro, Upi, Maguindanao

Ang Bundok ng Blit.

Maayos ang pagkakalatag ng Nuro. Ang Liwasang Rizal sa mga panulukan ng Palileo at Rizal Boulevard sa hilaga at timog, McArthur at Magsasay sa may silangan at kanluran, ay napapagitnaan ng Bulwagang Bayan, ang Simbahan ni San Isidro, ang Paaralang Sentral ng Nuro, ang gymnasium at ang lumang munisipyo na ngayon ay Gusali ng Sangguniang Bayan at iba pang tanggapan.

Namumuklaklak din ang iba’t-ibang uri ng halaman tulad ng tiger orchids, daisies at mga butterfly orchids. Masagana rin ang ani ng rambutan, marang at durian. Malawak ang taniman ng mais na nagbibigay ng iba’t-ibang kulay sa mga bundok at mga burol.

Ang Tribung Teduray

Marahil napakaliit na bahagdan lamang ng populasyon ng buong Pilipinas ang nakakakilala sa Tribung Teduray. Bukod sa mga antropologo, mga alagad ng katutubong kulturang Pilipino at ang mga mamamayan ng nakapaligid sa bayang ito ang mga tanging nakakakilala sa Tribung Teduray. Mayaman at makulay ang kanilang kultura at isa sila sa mga di nasakop ng Islam sa Mindanao. Marami sa kanila ay kabilang sa iba’t-ibang relihiyon katulad ng Episcopalian at Katoliko.

Isa sa mga mahahalagang pagkilala sa kanilang kultura ang Teduray basket na may isa sa mga pinakamagandang disenyo sa larangan ng paghahabi ng basket sa Pilipinas.

Pangunahin naman sa kanilang musika ang agung. Tinatawag itong kelo-agung ensemble na kinabibilangan ng antibay, fot moto, liwan, turambes at tunggol bandera.

Teduray

Ang tradisyonal na kasuotang panlalaki ng tribung Teduray. Litrato ni Amiel Mark Cagayan.

Kinikilala ang Teduray bilang mga katutubong mapagmahal sa kapayapaan. Ang pagkilala sa kanilang tribu ay naaayon sa lugar ng kanilang pinagmulan o tinitirhan. Ito ay ang mga etew rotor o mga Teduray mula sa bulubundukin, ang etew dogot o mga Teduray na nagmula sa baybaying dagat, etew Tran na nagmumula malapit sa Ilog ng Tran at etew Ufi o ang mga Teduray na naninirahan sa bayan. Tinatayang nasa 200,000 sa buong bansa ang kanilang populasyon ayon sa huling datos ng sensus.

Mga Pagbabago

Malayo-layo na rin ang narating ng Bayan ng Upi. Mula sa tila natutulog na bayan noon, malaking pagbabago ang sumalubong sa aking huling pagbisita ngayon. Kung dati ay nagtitiis ang mga tao sa maalikabok at sira-sirang daan at nakakakapagod na paglalakbay, dama sa ngayon ang mabilis at kaaya-ayang biyahe paroo’t parito ng Upi. Mabilis ang paglulan ng mga produkto mula sa mga bukirin patungo sa mga pamilihan. Madali ring naipapasok sa bayan ang mga makabagong teknologiya at ang mga kinakalakal na produkto.

Nuro, Upi, Maguindanao

Ang gusali ng Sangguniang Bayan at dormitory sa ikalawang palapag.

Bukod sa mga kongkretong lansangan, naitayo ang lokal na estasyon ng radyo at radyo-TV na siyang nagtataguyod ng mga programang makatutulong at makabubuti sa mga katutubo ng Upi. May cable network at internet na rin. Nagkaroon ng maayos na sistemang pantubig. Naipatupad ng maayos ang pamamahala sa basura. Naging malinis at maayos ang kapaligiran. Sumigla ang kalakalan sa bayan ng Upi at maraming gusali at negosyo ang naitayo rito.

Upang malutas ang problema sa mga nakakalbong kabundukan, nagsimulang magtanim ng mga rubber tree at iba pang punong kahoy katulad ng durian sa pagtataguyod na rin ng lokal na pamahalaan.

Nuro, Upi, Maguindanao

Ang malinis na Rizal Boulevard sa Bayan ng Upi.

Pagbubulaybulay

Ang di kaaya-ayang imahe ng Maguindanao sa buong bansa bunga ng mga masasaklap na pangyayari ng nakaraan ay tinutumbasan ng pagbabago ng Bayan ng Upi. Bagamat mahirap burahin sa isipan ng mga tao ang maling pakahulugan at kuro-kuro ukol sa lalawigang ito, mananatiling matatag ang Upi sa pagbibigay karangalan, kapurihan at magandang halimbawa. Sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala at idolohiya, maaaring matamo ang pagkakaisa at mag-alab ang kapayapaan at kasaganaan.

Marahil ang mawalay sa aking bayang tinubuan ay nagdulot ng dalamhati, subalit ang pagbabalik ay walang katumbas na ligaya lalo pa’t ang pagbabagong aking dinatnan ay bunga ng pagpupunyagi ng bawat isa.

Mabuhay ang bayan kong sinilangan! Lakbayin ang Bayan ng Upi.

Nuro Central Elementary School

Ang Mababang Paaralang Sentral ng Nuro.

Nuro, Upi, Maguindanao

Ang mahamog na umaga sa Bayan ng Upi

Talasanggunian:

  • Institute of Autonomy and Governance, April-June 2011. Baseline Research and Advocacy for Lumad Women’s Right Among the Teduray-Lambangian Tribe in Maguindanao and Shariff Kabungsuan, Autonomy and Peace Review, 7 (2), 64-65.
  • Municipal Planning and Development Office, Nuro, Upi, Maguindnao
  • http://www.galingpook.org/main/gp-solutions

Ang akdang ito ay opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 4 sa Kategoryang Blog.

ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng

Maraming Salamat sa ating mga sponsors :

 

About Jakeson Florido

Jakeson Florido is working for a Fortune 500 company engaging in engineering and technology. Writing is his passion. Nature, culture and heritage conservation is his advocacy. He is a traveler wannabe and also speaks and writes in three major Philippine dialects.Follow him on twitter @myplanetph or his Facebook Fan Page My Planet Philippines. You can also find him at Google+.
This entry was posted in Travelogue. Bookmark the permalink.

51 Responses to Ako si Tata, Laking Upi

  1. Tonton Llanura says:

    Mabuhay ka Jake! Napakaganda ng iyong katha. Nawa’y marami ang makakabasa ng iyong obra maestra upang sa gayon ay lalo pang tatangkilikin ng ating kababayan, ang Upi, na ating bayang sinilangan. Nawa’y ang mga tubong Upi na napapalayo dulot nang ano mang kadahilanan ay magpupunyagi na isang araw sila’y nasa harap na ng bakuran ng ating pinakamamahal na baya. Ipagpapatuloy ang mga magagandang simulain Jake. Pagpalain ka pa ng Poong Maykapal !

  2. JonDmur says:

    Mahusay ang pagkakasulat. Naipakilala mo din ang lugar ninyo. Good luck sa entry.

  3. NJ Abad says:

    Kudos for a very well written post about Upi. Lalo akong na excite na magbakasyon jan. Keep on blogging about Upi.

    Cheers!

  4. Engr. Paulo Cagara says:

    Good Job, Mr. Florido. Mga katulad mo sana ang kailangan pa ng bayan ng Upi. Ngunit gayunpaman, isang karangalan ang makulay na paglalarawan mo sa Bayan ng Upi. Sana gumawa ka pa ng iba pang artikulo tungkol sa Upi

  5. Rebeca Fontanilla Andong says:

    So proud and happy to read a very positive, well-written article about Upi, my beloved hometown – the place I would always want to go back to. And like Jake, I proudly declare, “Ako si Rebeca, Laking Upi!” This article makes me miss those good old days even more -

  6. Thonie Piodena says:

    Wow! Napaka madamdaming paglalahad ng ating bayang sinilangan! Muntik akong maiyak doon a! But I’m happy to hear from you about the improvements and progress of our beloved and blessed land. Hoping and praying that Upi will be known as the most progressive and peaceful municipality in Maguindanao. Thank you so much, Jake! God Bless you and your family.

  7. anne says:

    Classmate, pa copy nitong picture ng municipal hall, may paggamitan lang po. Salamat.

  8. justin perez says:

    wow ganda naman ng article mo ang ganda ng mga pictures sana one of this daysmaka pag travel sana ako sa Upi…. I’m really looking forward to visit ur place….

  9. bejay buludan says:

    medayew tom kluhanan do teduray,
    toow fo fiyo i se article ni renigo mo, segilew to so toow fo menferayo dum enged to me fendoyog, meoror foy fedew guweni beni be men publish so duse internet ni ke ati tom do teduray.

    • Nakakahiya mang sabihin, kinailangan ko pang ipa-translate sa kinakapatid ko yung comment mo. Maraming salamat sa pag-appreciate ng article ko.

      “mabuhay tayong mga teduray,napaka ganda ng article na ginawa mo,pareho tayong malayo na ang napuntahan/narating,napakasaya ng pakiramdam ko sa ginawa mong pag publish dito sa internet sa ating mga teruray”

      I’ll promise marami pa akong magagandang maisusulat para sa tribo ninyo. =)

  10. HAROLD says:

    Nasasabik na rin akong umuwi sa Upi.

  11. joanne says:

    proud to be upians…ganda ng article mo..amazing n tlaga ng upi ngaun kompara nuon..18 yars nrin ako wla sa upi..pro d ko prin parin matiis na di makauwi ..sarap balik balikan..GOD BLESS U MORE JAKE..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Follow Me

p5rn7vb

Follow

Get every new post on this blog delivered to your Inbox.

Join other followers: